Kalam Kalam
Profile Image
Johnny Roquero
1 week ago

Hitobashira: Haliging May Tao Batay sa Japanese legend of “Human Pillars”

Architect ako. Hindi sikat, pero may mga naitayong gusali. May proyekto kaming malapit sa gilid ng kagubatan — isang lumang paaralan ang gigibain, papalitan ng high-rise building. Simple lang. Pero simula pa lang ng construction, parang may mali na. Una, biglang may mga alulod na natutumba kahit walang hangin. Sunod, may nahulog sa scaffolding — hindi raw siya tinulak, pero may humawak daw sa paa niya. At bawat gabi, may naririnig kaming tunog ng martilyo, kahit tapos na ang trabaho. Sinabi ng matandang tagabantay ng lugar: “May nakabaon dyan.” Pinagtawanan lang namin. Hanggang sa isang araw, nung pinapalalim namin ang foundation, may nahukay ang mga tauhan. Bungo. Babae. At may nakapulupot na tela sa bibig. Nakaluhod. Para bang... buhay pa siya nung nilibing. Sa loob ng linggo, dalawa sa tauhan ko ang nawalan ng ulirat. Isa, nakatayo lang buong gabi sa harap ng poste, walang galaw. Isa naman, sumisigaw sa panaginip, “Tanggalin n’yo ako rito!” Nagdesisyon akong i-pause ang project. Pero gabi nung araw na ‘yon — ako na mismo ang pinuntahan niya. Nasa opisina ako, nagre-review ng blueprints, nang maramdaman kong may nakatingin. Sa gilid ng mata ko, may puting aninong nakatayo sa sulok. Pero pagharap ko, wala. Lumamig bigla ang buong kwarto. At mula sa ilalim ng mesa, may narinig akong boses — mahina, basag, parang mula sa isang bibig na may semento: “Ayokong maging haligi.” Kinabukasan, inutusan ko ang team na hukayin uli ang buong foundation. Nakita pa nila ang dalawa pang katawan. Iba’t ibang parte — tadyang, panga, daliri. Lahat may nakapulupot na alambre sa paligid. Mga inalay raw noon, sabi ng matandang tagabantay, para tumibay ang paaralan. Pero simula nang ginambala sila, ang lugar mismo ang gumaganti. Ngayon, tuwing may naririnig akong kalampag sa pader sa bahay ko, alam kong hindi daga. Alam kong may dumadalaw. Kapag pumipikit ako, minsan nararamdaman kong nasa semento ako, di makagalaw. Mainit ang palad ko, pero malamig ang paligid. At sa tenga ko… may boses na paulit-ulit: “Kung gusto mong tumibay ang buhay mo… mag-alay ka rin.”

Please log in to comment.

More Stories You May Like