Mahilig sa photography si Jessa, lalo na sa mga lumang kagamitan. Isang araw, habang naglalakad sa isang lumang ukay-ukay sa Maynila, may nakita siyang polaroid camera—makaluma, may gasgas, at tila luma pa kaysa sa lolo niya. Pero nang hawakan niya ito, parang may malamig na dumaan sa balat niya. “Magkano po ito?” tanong niya sa matandang nagbabantay. “Isang daan lang, hija. Pero…” Saglit na tumigil ang matanda. “…siguraduhin mong hindi mo ito gagamitin sa gabi.” Napangisi si Jessa. “Bakit po, may multo?” biro niya. Hindi na sumagot ang matanda. Tinitigan lang siya. Pag-uwi, sinubukan niya agad ang camera. Pinaandar niya at kumuha ng selfie sa kanyang sala. Ilang segundo lang, lumabas na ang litrato. Napangiti siya, pero napangiwi rin. May lalaki sa likod niya. Matanda. Nakabarong. Nakalugay ang buhok at nakatingin sa kanya. Napalingon siya sa paligid—walang tao. Mag-isa lang siya sa bahay. Baka double exposure lang, isip niya. Luma ang camera, baka may lumang film pa. Kinabukasan, sinubukan ulit ni Jessa. Kuha siya ng litrato sa bintana, sa sala, sa loob ng kwarto. Lahat ng larawan, nandoon ang matanda. Sa una, nasa likuran lang. Sa susunod, nasa gilid ng frame. Habang tumatagal, palapit nang palapit. Minsang kumuha siya ng litrato habang natutulog sa kama gamit ang timer. Pag-develop ng larawan, halos nakatapat na sa mukha niya ang matanda. Ipinakita niya ang mga litrato sa kanyang kaibigang si May. Nanginginig si May habang hawak ang isa. “Jess, ito… ito ‘yung matandang namatay sa apartment na ‘to limang taon na ang nakalipas. Tinaga ng magnanakaw. Wala raw pamilya. Sabi ng landlord, dati siyang photographer. May pagkabaliw. Mahilig mag-picture ng boarders habang natutulog.” Parang may humigpit sa dibdib ni Jessa. “Anong pangalan?” “Si Mang Doro. Pero may sinabi ang mga kapitbahay noon… noong hindi pa siya patay, madalas siyang marinig na sinisigaw: ‘Sama ka sa litrato! Sama ka sa litrato!’” Gabi-gabi, ginigising si Jessa ng tunog ng click—parang may nagpapakawala ng shutter sa kwarto. Pero pagdilat niya, walang camera. Wala siya sa harap ng salamin. Wala siyang hawak. Pero may tunog. Click. At sa mesa niya, may bagong polaroid picture. Siya, natutulog. At sa gilid ng kama… si Mang Doro, nakayuko sa tabi niya, hawak ang camera. Huling litrato na nakita ng mga pulis matapos mawala si Jessa ay isang polaroid na natagpuan sa luma niyang camera. Wala si Jessa sa larawan. Pero nandoon si Mang Doro—nakangiti, nakatitig sa lente. Parang ikaw ang pinipicturan.
Please log in to comment.