Hindi ko alam kung naniniwala pa ba ako sa sumpa, pero pagkatapos ng nangyari sa amin, kahit sino siguro’y maniniwala na. Nang mamatay ang tiyahin kong si Clara, kami ang naatasang mag-ayos ng mga gamit niya sa bahay. Matandang dalaga si Tiya Clara, at kilala siya sa baryo bilang albularyo at tagapangalaga ng “lumang kasunduan.” Hindi ko alam kung anong ibig sabihin noon, basta ako, taga-bitbit lang ng kahon at taga-ayos ng papel. Sa huling drawer ng kabinet niya, may nakita kaming isang kahon na kahoy, kulay itim. May ukit na mukhang mata, at may susi na parang gawa sa buto. Nakabalot ito sa tela na may sulat: “Huwag bubuksan kung hindi ka handang magdala.” Nagtawanan lang kami. Sina pinsan kong sina Nico at Arvin, binuksan agad. Walang laman—o akala namin. Simula noong araw na 'yon, si Nico ang unang nagbago. Hindi na siya nagsasalita, nakatitig lang sa kawalan. Lagi niyang hawak yung itim na kahon. Parang naging extension na ng katawan niya. Hanggang isang gabi, nakita ko siya sa bakuran—nakatayo sa gitna ng ulan, walang saplot, at may binubulong. Nang tanungin ko, tumingin siya sa akin nang diretso, saka sinabing: “Ikaw na ang susunod.” Pagkagising ko kinabukasan, ako na ang may hawak ng kahon. Hindi ko na alam kung paano ko ito nakuha. Hindi ko na rin alam kung bakit araw-araw, parang may bumubulong sa akin na kailangan kong ipasa ito. Ang tawag nila dito: Tagapagdala. Laging may isa sa pamilya. Kapag hindi mo ipinasa, kukunin ka. At ngayong binabasa mo ito… Handa ka na bang magdala?
Please log in to comment.