Isang linggo pa lang sa Maynila si Aldrin, bagong lipat mula probinsya. Dahil gipit sa pera, tinanggap niya ang murang renta ng Unit 4C sa isang lumang apartment sa Sampaloc. Malapit ito sa kanyang call center job, at kahit may kaunting sira, okay na raw sa landlord. Pero may kakaiba sa kwartong ito. Walang bintana sa labas—pero may isa sa loob, nakasiksik sa mismong gitna ng pader sa may kama. Hindi ito bukas, hindi rin gawa sa normal na salamin. Maitim, parang usok ang nasa kabila. At walang sinag ng liwanag kahit umaga. Sa unang gabi, binabalewala pa ni Aldrin. “Design lang siguro ‘to. Luma na kasi ‘tong apartment,” bulong niya. Pero habang natutulog, tila may hangin na nanggagaling doon. At isang gabi, habang sinusubukang makatulog matapos ang night shift, may narinig siyang katok. Tok… Tok… Tok. Mula sa bintana sa pader. Lumapit siya, nakakunot ang noo. Wala siyang makita, puro itim lang. Pero nang inilapat niya ang tenga sa salamin… “Tulong…” Napaurong siya. “Anong—” “Tulong…” ulit ng boses. Boses niya. Mabilis siyang lumayo. Hindi siya makapaniwala. Pinilit niyang huwag pansinin ito kinabukasan, ngunit bawat gabi, paulit-ulit ang katok. Lalo itong lumalakas. Lalo ring lumilinaw ang nakikita niya—mga aninong dumadaan sa kabilang side. Hanggang isang gabi, nakita niya ang sarili niya… duguan, nakahandusay sa sidewalk sa labas ng building. Kinabukasan, tumawid si Aldrin papunta sa convenience store. Tinakasan niya ang kwarto, balak nang lumipat. Ngunit sa pagtawid, isang truck ang humagibis sa kanto. Nalaglag ang cellphone niya. Naitapon ang katawan. At sa gabing iyon, muling tumunog ang bintana sa Unit 4C. Tok… Tok… Tok. Mula sa kabilang side, nakasilip na ang bagong “nangungupahan.”
Please log in to comment.