Hindi ko alam kung kailan nagsimula ang lahat. Basta isang araw, may nakita akong salamin sa tabi ng kalsada. Luma na ito. Basag-basag. Nasa loob ng itim na kahon na parang hindi naman basurahan. Parang… itinago pero sinadyang makita. Tinapakan ko ang isang piraso ng basag, at sa loob ng alon ng repleksyon, nakita ko ang mukha ko. Pero hindi ako ang nakatingin pabalik. Ang nakita ko ay ako—oo—pero ang mata niya ay sunken, parang tuyot. Nakangiti rin siya, pero kakaiba. Hindi ngiti ng tao. Ngiti ng kung anong nagkukunwaring tao. Akala ko efekto lang ng salamin. Dinala ko iyon sa bahay. Mali pala ang naging desisyon ko. Unang Linggo Wala pang kakaiba noong una. Inilagay ko lang ang salamin sa dingding ng kwarto ko. Luma man, may kakaibang ganda. May disenyo sa gilid na parang mga kuko ng hayop, o ng tao. Hindi ko mawari. Pero gabi-gabi, nararamdaman kong may nakatingin. Tuwing tititig ako sa salamin sa dilim, parang may mas madilim pa sa likod nito. Parang may aninong dumaraan. Parang may humihinga. Minsang nagising ako sa tunog ng pagbasag. Pero pagtingin ko… buo pa ang salamin. Ikalawang Linggo Napansin ko na hindi na tumutugma ang repleksyon ko sa galaw ko. Minsan, nauuna ito. Minsan, nahuhuli. Pero ang pinakanakakagimbal? Minsang humikab ako, at sa salamin… ngumiti siya. Ngiting mas malaki kaysa sa dapat, masyadong malawak, parang napunit na ang mukha. Simula noon, sinubukan ko nang iwasan ang salamin. Tinakpan ko ito ng tela. Ngunit kinabukasan, wala na ang tela. At sa salamin, may nakasulat gamit ang hamog: "Mas bagay sa akin ang balat mo." Ikatlong Linggo Nag-iba na ang itsura ko. Parang ako pa rin, pero hindi na ako ang nasa likod ng mata ko. Sabi ng mga kaibigan ko, parang may kakaiba raw sa kilos ko. Hindi na ako nagbibiro. Hindi na ako tumatawa. Hindi ako sumasagot agad. Pero ako naman… wala akong matandaan na ginagawa kong mali. Hanggang sa isang gabi, nanaginip ako. Ako raw ay nasa loob ng salamin, sumisigaw, kumakaway, pero wala akong boses. At ang ako sa labas… ngumiti lang. Punit na ngiti. Hinawakan niya ang salamin. At sabay kaming nawala sa repleksyon. Ngayon Kung sino mang nagbabasa nito, ‘wag mong hahawakan ang salamin. Huwag mong titigan ng matagal. Kahit isang segundo. Kasi kapag nakita mo na siya, may kabalit. At ngayong gabi… Ikaw naman ang repleksyong nauuna.
Please log in to comment.