Kalam Kalam

"Ang Huling Kwento"

Ako si Renz Dela Cruz—isang writer. Hindi ako sikat, hindi rin ako mayaman, pero may ilang mambabasa na rin akong sumusubaybay sa mga sinusulat kong horror stories online. Pero ang kwentong ‘to… hindi ko na sana isinulat. Kasi sa bawat letra, parang may nawawala sa akin. At ngayon, hindi ko na rin alam kung totoo pa ako… o bahagi na lang ng kwentong ginawa ko. Nagsimula ang lahat nung pinasukan ko ang isang lumang bahay sa may Sta. Inez. Wala lang—gusto ko lang ng authentic horror vibes para sa susunod kong kwento. May usap-usapan kasing minsan may naririnig daw na typing sounds kahit walang tao sa loob. Mga lumang makinilyang gumagana mag-isa. Siyempre, writer ako—natuwa pa ako. Inspiration! Swerte nga, sabi ko pa. Nagdala ako ng laptop, recorder, notebook. Doon ako nagtambay, at dun ko sinimulan ang kwentong pinamagatang: “Ang Bahay na Nagsusulat Mag-isa.” Sa una, wala naman. Tahimik. Pero nung kinagabihan, habang nagtatype ako… may naramdaman akong malamig na hangin sa batok ko. Akala ko simpleng lamig lang. Pero nung tingnan ko ang laptop, may mga linyang hindi ko isinulat: “Huwag mo akong isulat.” “Hindi ito kwento. Ito ay babala.” Pinunasan ko lang mata ko, baka pagod lang ako. Pero sunod-sunod na gabi, lagi na lang may dugtong sa sinusulat ko. At mas malala—yung mga kwento ko, nangyayari. Isang babae ang sinulat kong nabaril sa isang eskinita… kinabukasan, eksaktong ganoon ang laman ng balita. Yung kwento ko naman tungkol sa batang nawawala, nagkatotoo rin. Pero yung pinakakinakatakutan ko? Yung draft ng kwento ko tungkol sa isang writer na nakakulong sa sarili niyang imahinasyon, unti-unting binubura ng kwento ang sariling pagkatao—literal. At ito ang parteng hindi ko maintindihan hanggang ngayon. Isang gabi, habang nasa bahay ako, nagsusulat ulit, biglang nagblackout. Pagbalik ng ilaw, wala na ang lahat ng draft files ko—pati pangalan ko sa site ko, burado. Pero may naiwan sa screen: “Ikaw ang huli.” Tapos, nang tumingin ako sa salamin, parang may nakatingin mula sa likod ko. Hindi ako 'yun. Ngayon, sinusubukan kong isulat ang kwentong ito… habang may natitira pa sa akin. Pero nararamdaman kong unti-unti akong naglalaho sa mundo. Wala na akong online profile. Pati mga kaibigan ko, parang hindi na ako kilala. Kung nababasa mo ‘to, pakiusap... huwag mong ikuwento. Kasi sa oras na ikwento mo ito sa iba—ikaw na ang susunod na isusulat.

Please log in to comment.

More Stories You May Like