Kalam Kalam

"Yung Tunog sa Ilalim ng Kama"

Hindi ko alam kung bakit ako pa ang kinailangan nilang padalhan para bantayan yung lumang bahay sa probinsya. Matagal na kasi itong walang nakatira, simula nung namatay si Lola. Pero dahil ako lang ang walang trabaho at “mahilig sa katahimikan,” ako raw ang pinaka-qualified. Akala ko okay lang. Tahimik naman talaga sa umpisa. Walang masyadong ingay, walang internet, at tanging huni lang ng kuliglig ang kasama ko tuwing gabi. Pero nung pangatlong gabi, doon na nagsimula ang kakaiba. Bandang alas-dos ng madaling araw, may narinig akong parang kaluskos sa ilalim ng kama. Akala ko daga lang, kaya hindi ko pinansin. Pero maya-maya, narinig ko yung tunog ng kuko na kinakaladkad sa kahoy. Krkk... krkkk... krk... Tumingin ako sa ilalim, wala naman. Pero bawat gabi, paulit-ulit yung tunog. Mas tumatagal. Mas lumalapit. Isang gabi, nagising ako kasi parang may humawak sa paa ko. Sa dilim, kita ko lang na parang may anino sa paanan ng kama. Mabigat ang hininga ko, parang hindi ako makakilos. Tapos narinig ko na naman yung tunog... Pero sa pagkakataong 'yon, may kasabay nang bulong: "Tulog ka na... ako na ang gising." Hindi ko alam kung guni-guni lang ba dahil sa puyat o may kung anong nilalang na talaga sa ilalim ng kama. Kinabukasan, binuhat ko yung kama para silipin. At sa ilalim nito... may lumang notebook. Kay Lola pala. Binuksan ko. Laman nito'y puro sulat kamay na dasal at babala: "Huwag kang titingin sa ilalim kung hindi ka handang mapalitan." Hindi ko na kinaya. Lumayas ako kinabukasan. Pero gabi-gabi pa rin, kahit nasa siyudad na ako... naririnig ko pa rin minsan sa sahig ng kwarto ko yung... Krkk... krkk...

Please log in to comment.