Hindi ko talaga alam kung bakit ako pumayag. Siguro dahil gabi na, birthday ng kaibigan naming si Andrea, at medyo lasing na halos lahat. Nasa rooftop kami ng inuupahan niyang unit, at para raw mas "memorable," may naisip siyang laro. “Red or White,” sabi niya. Simple lang daw ang mechanics. Pipikit ang lahat. Isa lang ang taya bawat round. Tatanungin siya: “Red or White?” Kapag “Red” ang pinili, kailangang tumayo ang taya at magsabi ng isang lihim niya na hindi pa niya nasasabi kahit kanino. Kapag “White,” kailangang may yakapin siya — kahit sino sa grupo — ng hindi nagsasabi ng dahilan. Walang pagtawa. Walang tanungan. Sabi ni Andrea, "galing ‘to sa pinsan niyang taga-Probinsya." At bawal daw biruin ang laro. Akala namin pauso lang. Pero nang una naming nilaro, nagsimulang bumigat ang hangin. Sa ikatlong round, si Jessa ang taya. Pumili siya ng “Red.” Tumayo siya, ngumiti nang pilit, at umamin na matagal na niyang kinukupit ang pang-kain sa bahay. Napatawa sana kami, pero may biglang humangin — padiretso, malamig, parang may dumaan sa gitna namin. At doon namin siya nakita. Isang babae. Nakatayo lang sa gilid. Nakapula. Mahaba ang buhok. Hindi gumagalaw. Walang mukha. Para lang aninong babae na may suot na pulang saya. Akala ko multo lang ng isip. Pero sabay-sabay kaming tumahimik. Sabay-sabay naming naramdaman na hindi siya dapat nandoon. “Part ng laro ‘yan,” sabi ni Andrea. “Wag kayong pansin. Hangga’t di kayo nagkakamali, di siya gagalaw.” Kinabukasan, patay si Jessa. Natagpuan siyang nakabitin sa likod ng apartment nila. Nakaputing daster. Walang dahilan. Wala ring sulat. Pero may dugo sa kamay niya. At sa pader, may sulat: “Red or White.” Akala namin coincidence lang. Pero paulit-ulit naming naririnig sa panaginip ang tanong. “Red or White?” Siyempre, panic na kami. Gusto naming tumigil. Pero hindi pumapayag si Andrea. Sabi niya, bawal itigil ang laro kapag nasimulan mo na. Ang mas masama — kapag nalaman mo ang laro, kailangan mong ipalaro ito kasama ang iba, o ikaw ang susunod. Doon namin na-realize: sinadya niya talaga kaming ipalaro. Isang gabi, nalasing ulit si Marco. Nakatulog habang nagsasagawa ng laro. Pagmulat niya, duguan na ang sahig. May papel sa tabi niya: “Ikaw ang susunod. Red o White?” Tinakbuhan namin si Andrea. Doon siya sa bahay ng tita niya, parang walang nangyayari. Niyugyog siya ni Marco at sinigawan: “Bakit mo kami sinama? Anong ginawa mo!?” Ngumiti lang si Andrea. Walang bahid ng konsensya. “Alam ko na kasi ang rules bago ko pa nilaro. Isa lang ang ligtas. ‘Yung unang magpalaro.” Lumapit siya sa salamin. Tumitig. “Saka hindi niyo pa siya nakikilala nang buo. Hindi lang siya basta babae sa pula. Isa siyang tagapaglikom.” Tagapaglikom. Naghahanap ng kaluluwang ginugupo ng takot. At ginagamit ang laro bilang paanyaya. Simula no’n, isa-isa na lang kaming nawawala. Hanggang ako na lang ang natira. Bawat gabi, bumubulong na ang tanong sa tenga ko kahit tulog ako: “Red or White?” At alam kong kung hindi ko ipapasa ito, ako na ang susunod. Kaya nandito ka ngayon. Binabasa mo 'to. Kasi ito na ang pagpasa ko. Red or White? Mamili ka. At siguraduhin mong may kasama ka.
Please log in to comment.