Kalam Kalam
Profile Image
Johnny Roquero
2 weeks ago

"Takbo Hanggang Umaga".

Gabi na noon. Naglalakad ako pauwi galing sa bahay ng tropa. Dahil gipit sa pamasahe, dinaan ko sa shortcut—isang madilim at masukal na eskinita papuntang looban, malapit sa sapa. Tahimik ang gabi. Wala ni isang ingay maliban sa mga kuliglig. Pero maya-maya, may narinig akong iyak. Sanggol. Mahina lang nung una, pero malinaw. “Waaaah… waaaah…” Napahinto ako. Sino namang iresponsableng mag-iiwan ng sanggol sa ganitong lugar? Lumingon ako sa paligid. Walang tao. Pero 'yung iyak, mas lumalapit. Parang naglalakad papunta sa direksyon ko. “Waaaah…” “Waaaah…” Napakababa ng iyak—parang binubulungan lang ako. Kinabahan ako. Bumilis lakad ko. Pero ‘di pa ko nakaka-limang hakbang, narinig ko na ang yapak. Maliit na mga paa. Tumutuntong sa lupa, mabilis, mabigat. Tok… tok… tok… tok… Tumakbo na ako. Pero sumabay rin ‘yung yapak. Bumibilis. Tumatawa. Paglingon ko, doon ko siya nakita: maliit, maputla, naka-damit ng gusgusing pambata. Ang mata, pula. Ang ngipin, matatalas. Tumatakbo siya na parang hayop—nakayuko, gamit pati mga kamay. Hindi na siya umiiyak. Tawa na. “Hehehe… hehehe…” Napamura ako at tumakbo nang mas mabilis, pero kahit anong liko ko sa mga eskinita, kahit tumalon pa ako sa bakod, hindi siya nawawala. Parang alam niya ang daan. Parang may ibang mata na tumutulong sa kanya. Hanggang sa marating ko ang lumang simbahan sa dulo ng looban. Huminto ako sa harap ng krus. Hingal na hingal. Pawis na pawis. Tahimik. Akala ko tapos na. Pero paglingon ko, andun siya. Nakatayo sa likod ko. Dahan-dahang nilalapit ang mukha niya sa tenga ko. Tapos bumulong siya: "Takbo ka lang... hanggang umaga. Dahil pag huminto ka... akin ka na."

Please log in to comment.

More Stories You May Like