May isang negosyante na tinatawag sa kanilang baryo bilang Mang Eloy. Bata pa lang siya'y nangangarap na yumaman. Nung nagsimula siya, halos wala siyang puhunan kundi ang tulong ng kapitbahay niyang si Aling Nena na nagpautang sa kanya, si Mang Tasyo na tumulong magbuhat ng mga produkto, at ang kanyang pamangkin na si Joel na libre niyang pinagtatrabaho. Lumipas ang mga taon—umangat siya, yumaman, at naging kilala sa buong bayan bilang "Hari ng Kalakal." Pero sa kabila ng kanyang yaman, ni singkong duling ay wala siyang ibinalik sa mga taong tumulong sa kanya. Kapag may humihingi ng tulong, sinasabi niyang: “Hindi ko obligasyon ang problema niyo. Ako ang nagsumikap para dito.” Minsan, habang binibilang niya ang salapi sa kanyang gintong banga—isang malaking sisidlang pinuno niya ng yaman sa kanyang lihim na silid—may narinig siyang pabulong: "Iyan ang yaman ng mga nilimot mo. Dugo’t pawis nila, sinarili mo." Sa una, inakala niyang imahinasyon lang iyon. Pero gabi-gabi, may naririnig na siyang iyak, lagaslas ng dugo, at kaluskos ng paa sa kisame. Ang mga mukha ng mga taong tinanggihan niya'y nagsimulang lumitaw sa salamin, mata nila’y puno ng luha, galit, at gutom. Isang gabi, habang binubuksan niya ang banga para magbilang ulit ng yaman, isang malamig na kamay ang humila sa kanya papaloob. Sinubukan niyang sumigaw, pero tila nilulon siya ng loob ng banga—parang isang balon ng kadiliman. Nang makita siya kinabukasan, ang kanyang katawan ay patay na, tuyot na tuyot, pero nakangiti—isang ngiting parang pinilit, nakangiwi, at may pilat ng takot. Ang gintong banga ay nawala, at sa lugar nito, isang sulat lang ang naiwan: “Ang yaman ng mga kuripot, sa impyerno rin ang balik.” "Walang silbi ang yaman kung isinusuka ka na ng mga taong tumulong sayo noon. Kapag pinili mong maging sakim, ang kayamanan mo mismo ang lalamon sa'yo."
Please log in to comment.