Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong iniwan. Hindi ko alam kung anong mali sa akin—hindi naman ako nagkukulang, hindi naman ako nananakit. Pero palaging gano’n ang pattern: magsisimula sa ligaya, tapos biglang lalayo, lilimot, mawawala na lang na parang bula. Kaya nang makilala ko siya, si Elisa, para akong lumabas mula sa isang libing na ako lang ang nakakaalam. Nakita ko siya sa isang abandonadong gusali, ‘yung madalas kong puntahan para magsulat. Tahimik kasi roon, sira-sira ang bubong, basag-basag ang bintana, pero may kakaibang katahimikan doon na gusto ko. Siya ang unang nilalang na nakita ko roon. Maganda siya, maputla, mahaba ang buhok, naka-bestidang puti na parang luma. Nakatayo lang siya sa may bintana. Tahimik. Nakatitig. Hindi ako makagalaw noong una. Pero sa mga mata niya—may kung anong humatak sa akin. Hindi siya nagsalita. Hindi rin ako. Pero kinabukasan, bumalik ako. Nandoon pa rin siya. Tahimik. Nakatingin lang. Ilang araw kaming gano’n. Hanggang sa isang gabi, siya na mismo ang nagsalita. Ang sabi niya lang: “Huwag mo akong iiwan, kahit anong mangyari.” Tumango ako. Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung bakit. Pero pakiramdam ko, kung aalis ako, may parte sa akin na hindi na makakabalik. Nagsimula kaming magkita araw-araw. Hindi kami naglalabas. Hindi siya sumasama sa akin palabas ng gusali. Kahit ilang beses ko siyang imbitahan, ayaw niya. “Dito lang ako nabubuhay,” sabi niya minsan, habang hawak ang kamay ko. May mga napansin akong kakaiba sa kanya. Hindi siya nauuhaw. Hindi siya nagugutom. Hindi siya pinapawisan kahit tirik ang araw. Tuwing hinahawakan ko siya, malamig ang balat niya—hindi basta lamig ng tao, kundi lamig ng semento, ng bato. Pero hindi ko siya iniwan. Mahal ko siya. At pakiramdam ko, ako rin. Isang gabi habang magkalapit kami, niyakap ko siya nang mahigpit. Doon ko naramdaman—may matigas sa likod niya. Parang nakaumbok. Parang… hindi parte ng katawan ng tao. Dahan-dahan kong hinawi ang buhok niya. At halos hindi ako makahinga sa nakita ko. May mga ugat. Mga ugat na nakakabit sa mismong pader. Tumutubo mula sa kanyang likod, parang mga baging. Nakatanim siya. Parang halaman. Parang sinuso ng pader. Parang matagal na siyang bahagi ng gusaling iyon. Hindi ko alam ang sasabihin. Tiningnan ko siya, at ngumiti lang siya. “Hindi mo ba napansin?” sabi niya. “Matagal na akong nakatanim dito.” Gusto ko siyang alisin. Gusto ko siyang dalhin palabas. Hinawakan ko ang balikat niya at sinubukang hilahin nang dahan-dahan. Pero sumigaw siya sa sakit. Para bang binubunot ko ang puso niya mula sa loob. “Kapag inalis mo ako, mawawala ako,” sabi niya habang umiiyak. Tumigil ako. At sa gabing ‘yon, nanaginip ako. Ako raw, nakadikit na rin sa pader. Hindi ako makagalaw. Hindi ako makasigaw. May mga ugat na rin sa likod ko. At si Elisa, nakaupo sa harap ko. Ngumiti siya. “Magkasama na tayo.” Pagkagising ko, may sugat na ako sa likod. Hindi ko alam kung paano nangyari. Pero gabi-gabi mula noon, mas lumalala. May kumakalikot sa loob ng katawan ko tuwing natutulog ako. Parang may tumutubo. Parang may humihila sa akin pabalik sa gusali. Bumalik ako roon. At nang makita ko si Elisa, hindi ko na siya kinailangang tanungin. Hinawakan niya lang ang kamay ko. “Pagod ka na rin, ‘di ba?” bulong niya. Ngayon, habang isinusulat ko ‘to, hindi ko na nararamdaman ang likod ko. Ang balat ko, may maliliit nang bitak. Parang simento. At kanina, pagtingin ko sa salamin, may isang mata sa likod ng ulo ko. At hindi akin iyon. Naririnig ko siya gabi-gabi. Kahit saan ako magpunta. “Mahal mo ako, ‘di ba?” “Hindi mo na ako iiwan…” Hindi na ako sigurado kung ako pa ba ‘to. Pero kung totoo ngang mas buo kami kapag magkasama… Bakit pa ako lalaban?
Please log in to comment.